4.16.2004

i will share with you a letter i found in my "baul"...it's nice to reminisce on young love sweet love ni kuya germs...can you believe that i can pour out this much emotions? grabacious! natuwa ako nong nabasa ko ito...at the same time, gusto kong batukan sarili ko...kung alam lang nong lalaking yon na minahal ko sya ng todo todo once upon a time...(sa mga hindi nakasubaybay ng aking maalala-mo-kaya-tanging-ina love story, namnamin nyo na lang kung gaano katindi mga emosyon ko nong sinulat ko ito...)

"...alam mo, mahal na kita kaso, ramdam ko, wala tayong kahihinatnan sa puro tawanan at gimmick lang. never naging seryoso. magkita man tayo, sandali lang. sabi mo, hindi ka pa handa sa mga bagay na gusto kong mangyari. batang isip ka pa kasi. marami ka pang gustong gawin sa buhay mo. ni wala ka ngang trabaho at hindi ka pa makagraduate-graduate. nakasunong ka sa nanay mo at umaasa ka sa kapatid mo. sa madaling salita, wala akong kinabukasan sa yo. wala akong pag-asa. sabi mo nga, ayaw mo pang magkapamilya dahil takot ka sa responsibilidad. kesyo marami ka pang kailangang gawin sa buhay mo bago mo maisip lumagay sa tahimik. pero, hindi ako pwede nang ganito. kahit kailan, hindi ako nagpatumpik-tumpik sa mga relasyon ko sa mga tao. hindi mo maiintindihan panigurado kung sasabihin ko sa 'yong sana, ikaw na ang maging asawa ko, ikaw na ang papakasalan ko kesa mapunta ako sa ibang lalaking hindi ko naman talaga mamahalin ng tulad ng pagmamahal ko sa yo ngayon. kakaiba nga mga nararamdaman ko sa 'yo.

mahal kita kaya sa ngayon, bulag ako sa katotohanan. ganito talaga ako. wala akong pakialam sa kung ano ang mangyayari basta, sa ngayon, ang alam ko, baliw na baliw ako sa 'yo kahit napakaobvious namang wala akong mapapala sa 'yo. ang saya sana kung tayo ang magkakatuluyan. masaya kasi ako kapag kasama kita. tahimik at kalmado ang dating ng buhay pag nasa tabi kita. ramdam ko na may pagmamahal ka rin sa akin pero parang laging pigil. dahil siguro hindi mo matantya mga nararamdaman mo sa ngayon para sa akin--kung magpapakabaliw ka ring tulad ko o aatras ka ng konti para me space ka sakaling magkalokohan. minsan, iniisip ko, gusto mo lang akong makasama dahil wala ka lang talagang magawa sa buhay mo. ako naman si gaga, naka-oo lagi. dapat sa tanda kong ito, alam ko na kung pano iwasan mga taong tulad mo. alam kong pagdating ng panahon, sasaktan mo ako. pero, ewan ko nga ba. ang alam ko, mahal na kita at saan man ako dalhin ng mga emosyon kong ito, hindi ko dapat pagsisihan dahil sinunod ko lang ang gustong gawin hindi ng utak ko kundi ng puso ko.

isang araw, malamang iyakan ko 'tong katangahang ito. baka nga ikabaliw ko pa pero, hindi siguro ako magagalit sa 'yo o sa mundo. kagagawan ko ito. malamang ikasakit ng puso ko sakaling hindi tayo ang magkatuluyan pero, ayos na rin. kesa naman panghinayangan ko iyong panahong hindi ko sinulit dahil natakot akong masaktan. sabi nga nila, sugal nga raw ang magmahal. pero, sana, kahit papaano, manalo naman ako. pwede na rin yong magbreak even lang. tanga nga ako pero, ang alam ko, mahal na nga kita..."

0 Comments:

Post a Comment

<< Home